Saturday, June 7, 2008

Lakbayan ng magsasaka, Lakbayan ng mamamayan


Wala na ngang makakapigil sa nag-aalimpuyong damdamin ng mga magsasakang patuloy na binubusabos ng mga huwad na polisiyang ipinapatupad ng papet na gobyernong ito ni gloria-macapagal arroyo. Kahit pa nga harangan sila ng ilang libong mga checkpoint sa lansangan na kanilang babagtasin upang ipanawagan sa taong bayan ang PAGBASURA sa EXTENSION ng CARP (COMPREHENSIVE AGRARIAN REFORM PROGRAM) na isang huwad na polisiyang agraryo at PAGPAPATALSIK kay GLORIA ARROYO ay balewala pa din ito.
Sa kalagitnaan ng inilulunsad ngayong LAKBAYAN ng mga magsasaka mula sa TIMOG KATAGALUGAN, kasabay ng panawagang pagbasura sa huwad na CARP ay malakas na pagkakalampag sa sambayanang PILIPINO na suportahan ang PAGSUSULONG at PAGSASABATAS ang GENUINE AGRARIAN REFORM BILL(GARB) o House Bill 3059 na isinulong ng DAKILANG KONGRESISTA na si KA CRISPIN "KA BEL" BELTRAN, na yumao nitong huling linggo ng nagdaang buwan, at patuloy na isinusulong sa kongreso ng mga progresibong partylist na Bayan Muna, Gabriela, at Anakpawis.

Ipinakita na ng 20-taong pananatili ng CARP na hindi ito polisiyang naglilingkod sa interes ng mga magsasaka kundi sa interes ng mga ganid na PANGINOONG MAY LUPA at mga DAYUHAN na namumuhunan sa sektor ng agrikultura. at sa halip na maglingkod sa interes at kapakanan ng mga mahihirap na magsasaka, lalo lamang nito pinapasahol ang kalagayan ng mga magsasakang Pilipino sa buong bansa dahil ang pondong nakalaan dito ay hindi naman tunay na napupunta sa mga magsasaka kundi sa mga bulsa ng mga korap na pulitiko at mga kasabwat nito sa pangunguna na din ng peke-papet-pahirap-sa-samasang si gloria arroyo. ito din ang batas na nagbibigay laya na ang mga lupang sakahan ay kamkamin at mailipat ng gamit mula sa lupang sakahan patungo sa mga gamit bilang resort, real estate, golf course at iba pa na siyang numero unong kaagaw ng mga dakilang magsasaka natin upang mas makapagpunla ng mga tanim na kailangan ng mamamayan. Isa ang CARP sa dahilan bakit ngayon mayroon tayong dinaranas na krisis sa sektor ng agrikulura partikular sa BIGAS.

IBAYONG paghihirap pa ang daranasin ng mga MAGSASAKA sa pagpapatupad ng extension ng CARP. at ito ang magtutulak pa ng ibayong krisis sa bigas. ang usapin sa TUNAY na REPORMA sa LUPA ay hindi lang usapin ng mga magsasaka kung hindi ng SAMBAYANANG PILIPINO. Usapin din ito ng KABATAANG PILIPINO na siyang labis na naaapektuhan ng KRISIS. KABATAAN, tinatawagan ang iyong pakikilahok sa panawagang IBASURA ANG CARP! KABATAAN, INAASAHAN ang iyong pakikiisa sa panawagang PASASABATAS ng GARB 0 HB 3059! SUMAMA sa panawagan ng sambayanang PAGPAPATALSIK kay GLORIA! ###