sa amang tahimik na nagpoproprotesta
ni Maria Baleriz
alam kong tutol ang iyong pasya
sa aking tinatahak na kalsada
taliwas sa pinangarap ninyo ni ina
para sa aking nagmula sa inyong pagsinta
hangad ay makitang nakatoga
nagmamartsa upang kunin ang diploma
at makitang maalwan ang buhay may pamilya
subalit sa akin walang bahid pagsisisi
ang katunayan masaya ako sa desisyong pinili
sumunod pa rin ako sa inyong bilin
pumaroon ako sa magpapasaya sa akin
at nakakatulong sa marami, dapat ko kamong tiyakin
kaya nga sa mga kilos protesta
kasama akong nagmamartsa
ng libo-libong ibig din gumradweyt na
mula sa pagsasamantala
mga anak at ina at kahit katulad mo:
dakila kong ama...
mga kababaihan, katutubo't kabataan,
mga magsasaka't manggagawang lumalaban
sa pambubusabos ng mga ganid na dayuhan
silang ibig ding maranas ang maalwang pamumuhay
isang makatarungan at malayang buhay
kagaya ng pangarap mo at ni inay
para sa akin at sa iba pa ninyong mahal na inakay
pero akin ding nakita kapos ang ma protesta
kaya kahit tutol ka at ang iba pa sa pamilya
tinunton ko ang kabundukan para sa hangad na paglaya
nakipamuhay sa maraming aping magsasaka
hawak ay armas para sa armadong pakikibaka
hangad kong maunawaan mo itong naging pasya
at batid kong matatanggap ninyo't pag-aalinlangan mawawala
dahil din sa iyo ama kaya ko ito ginawa
sapagkat di ko na nais pang kayo ay maghirap
at ang mga susunod pang dakilang ama sa hinaharap
**pinilas na bahagi mula sa tula.