Friday, September 25, 2009

[sulyap] wala lang. naisip ko lang

ito ay para sa mga mag-aaral ng Mapua Institue of Technology: noon at ngayon.
ito ay para sa mga estudyante sa iba't ibang paaralan sa buong bansa. noon at ngayon.
ito ay para sa mga kabataang hindi nakapag-aral.noon at ngayon.
ito ay para sa mga kabataang huminto sa pag-aaral. noon at ngayon.
ito ay para sa mga estudyante: iskolar ng bayan ka man o hindi. noon at ngayon.
ito ay para sa mamamayan ng ating bansa. noon at ngayon.

wala lang. naisip ko lang.
bigla ko lamang naalala ang protesta natin (para sa mga MAPUANS) noong ika-14 ng Pebrero 2005 laban sa pagpapalit ng pangalan ng ating paaralan. kung naitaas natin sana ang antasang paglaban sa pagtutol sa pagtaas ng matrikula, mas makatarungan sana. mas may mlitansya!

wala lang naman ito. bigla ko lamang naalala ang mga kilos protesta na tumatabo ng daang libong estudyante mula sa UP at PUP at iba pang mga pamantasan at kolehiyo sa nakaraan lao noong sigwa ng dekada '70. sa bawat pagkakataong may banta ng pagbalahura sa sistema ng edukasyon. isyu man ito ng pagtataas ng matrikula o mapanupil na polisiya sa mga kampus. at kahit ang mga pagkilos laban sa mapanupil at di makatarungang hakbang ng mga nasa pwesto laban sa mamamayang Pilipino lalo't ito ay yumuyurak sa karapatang pantao: lupa, sahod, trabaho, serbisyong pangkalusugan at iba pang mga karapatan. bakit kaya ngayon hindi na pumapantay sa ganoong dami ang ating bilang?

wala lang. naalala ko lang ang nakaraan ng aking mabasa itong kilos protesta ng mga estudyante, guro at mga manggagawa ng paaralan sa University of California.

sa mga Mapuans, may pagkakatulad itong ganitong kaganapan. ang mayor na pagkakaiba lamang ay ipinaglaban nila ang pagtaas ng matrikula. habang ang atin sa nakaraan ay ang ipinaglalaban ay ang pagpapalit ng pangalan na maaari sanang naging mas matingkad kung mas naging mayor ang pagtutol sa pagtataas ng matrikula. anu't-anuman. pagpupugay pa din sa mga naki-isa at nanindigan sa laban. subalit, mensahe ko, nawa ngayon mas makita natin ang kawastuhan na ipaglaban ang pagtutol sa pagtataas ng matrikula. at pagtutol sa KOMERSYALISASYON ng EDUKASYON sa bansa sa pangkabuuan.

sa iba pang mga estudyante sa iba't ibang paaralan, sana makita nating usapin ito ng buhay at kamtayan. kagaya ng nagpapakahirap ang mga magulang natin sa pagtatrabaho, hindi lamang sa pag-aaral ng mabuti nasusukat ang pagpapahalaga sa edukasyon. may panahon talaga na dapat tayong umalma. at kung kinakailangan bumuhos sa lansangan.


"My whole life I wanted to come here. If they increase the fees I will have to drop out. We have to fight this." -Daniella, isang Latina undergraduate nasa ikalawang taon sa kolehiyo mula sa University of California Berkeley campus,

habang nakaupo sa isang lilim, pinaalingawngaw din niya ang panawagan ng maraming iba pa na lumahok sa kilos protesta.

sana ganito tayo ano? sana matutuhan natin at maunawaan nating pahalagahan ang paglaban para sa karapatan natin sa edukasyon. wala lang. naisip ko lang. kahit naman graduate na ang kalakhan sa atin hindi doon nagtatapos ang problema sa edukasyon. darating ang panahon magpapaaral din kayo ng mga anak ninyo. o kaya mga apo. at doon ninyo marahil makikita itong sinasabi ko dito sa pitak kong ito. wala lang naman ito. sabihin na nating paalala pa din. ng isang kaibigan. paalala ng isang kakilala. ng isang kapwa Pinoy na hindi ikinakahon sa pagsusuot ng damit na nagsasaad ng pagkapilipino o pagsusuot ng "dogtag" ipinapakita ang pagkamakabayan o pagmamahal sa bayan.

naalala ko noon sa isang forum laban sa pagpapalit ng pangalan sa mapua, may isang babae kaming ka-schoolmate noong panahon na iyon at nagsalita siya sa nabanggit na forum. sa gunita ko habang umiiyak siya sinasabi niya sa presidente ng paaralan ang ganitong diwa: "sana huwag na pong palitan ang pangalan. nanatili ako dito sa paaralan. nag-working student ako para makatapos bilang isang mapuan. pero ganito pa ang maaabutan ko?"

mas ayos din sana pakinggan kung ganito: " huwag itaas ang matrikula sapagkat mas mabibigatan ang mga tulad kong working student na makapagtapos at maitaguyod ang kinabukasan ng pamilya ko na umaasa sa akin."


pero isipin ninyo, dahil sa hindi natin ipinaglaban ang "libreng edukasyon" o iyong sa pinakamalapit, makatarungang bayarin sa edukasyon hindi na kailangang mamroblema masyado at magpakakuba pa sa pagtatrabaho. wala na sanang kailangan mabaon sa utang. wala na sanang napipilitang magnakaw o magbenta ng laman para maitawid ang edukasyon at gutom na sikmura.

pero ayun na nga. dahil mas naging abala tayo sa pag-aaral at pagtatrabaho para sa pagpupundar ng isang "magandang kinabukasan" para sa pamilyang bubuuin ng bawat isa sa atin hindi natin namamalayan na ang binubuo pala nating lahat ay isang paghuhukay ng libingan para sa kinabukasan ng ating kabataang Pilipino na siguradong kabibilangan ng mga anak at apo ninyo.

naisip ko lang din, nag-aral at nagtapos ang iba ng 4 o 5 taong kurso sa kolehiyo para ano? gumastos ng daang libo o kung tutuusin milyones. para ano? ang iba pa nga, pasintabi na lamang pero nagaganap naman kasi talaga sa realidad, lagpas 4 o 5 taon ang ginugul sa kolehiyo. ang bagsak? walang makuhang desenteng trabaho. ang karamihan hindi ang tinapos nilang kurso ang propesyon sa kasalukuyan. may mga nagpakadalubhasa sa pagka doktor o pagka-engineer para bumagsak lamang sa call center. ang ibang marami din, nangingibang bayan. di mo nga naman masisisi dahil walang matagalang trabahod dito. tsk. pero ang pinupunto ko, nagpakahirap at gumastos ng napakalaki pero nauwi din sa pagpapaalipin pagtapos.

naisip ko lang din. wala bang nagtataka sa inyo kung bakit ang mga bilang ng mag-aaral sa elementarya ay lumiliit pagtungtong sa hayskul at mas masahol ang pagliit pagdating ng kolehiyo? halimbawa may isang daang nagtapos ng elementarya. pagtungtong ng hayskul, maaring kalahati na lamang sila sa bilang. at pagdating ng kolehiyo maaaring dalawampu na lamang o sampu. sa tingin mo bakit? dahil ang hirap ng pera di ba? kaya ang iba napipilitang mag-drop-out. hay.

kung titignan, ang estudyante at manggagawa halos walang pinagkaiba. maliban na lamang sa sumasahod ang manggagawa ng kakapiranggot mula sa kapitalista habang ang mag-aaral at ang mga magulang niya na nagbabayad ng matrikula ay ginagatasan ng kapitalista. parehong preso sa isang nabubulok na sistema na ang nakikinabang ay ang mga GANID na KAPITALISTA at syempre mga kasabwat naMAMBABATAS o NAMUMUNO SA GOBYERNO!

hay. isang malalim na buntong hininga.



wala lang. naisip ko lang ito. siyanga pala, maari ninyong mabasa ang buong istorya ng kilos protesta ng mga estudyante, manggagawa at guro ng University of California dito sa ugnay na ito, paki-click na lamang. maraming salamat.

Thursday, September 10, 2009

[pagtingin] hinggil sa national artist awards

naging mainit kamakailan ang usapin ng prestihiyosong parangal para sa mga alagad ng sining, ang 'national artist' award.ito ay sanhi ng pagkakaroon ng 'dagdag-bawas' para sa bibigyan ng pinakamataas na parangal sa isang Pilipinong alagad ng sining. isang parangal na binahiran na ng maruming kalakaran ng pulitika sa bansa.

ang isyu ng pagkakagawad ng parangal ay naging tila hibla na ng nagkabuhol-buhol na sinulid. kung saan saan na dumako. kung sino-sino na ang nakaladkad na pangalan. at kung sino-sino na din ang nagbabatuhan ng putik o mga 'tirada' upang ipagtanggol ang mga partikular na taong ginawaran ng parangal na hindi naman 'daw' kabilang sa mga inirikomenda.

mabigat ang usaping ito. pero mahalaga at interesanteng suriin at pag-usapan. at sa proseso, dapat may aksyong gawin.

una. ang mahalagang maarestong usapin dito ay ang pagkakaalis ng rekomendadong pangalan ng komiteng naatasan na magsuri at magsala ng mga karapat-dapat na maging national artist. at ang pagkakadagdag ng mga hindi naman nakasama sa mga rekomendado ng komite at ang iba pa nga ay hindi na nakapasa sa komiteng tagapagnomina.

ikalawa. ang pagtingin na 'elitista' o mataas na pamatayan sa pagiging national artist awardee.

sa taong ito ang National Commission on Culture and Arts (NCCA) and the Cultural Center of the Philippines (CCP), ang bumubuo sa komiteng magrerekomenda ng mga karapat-dapat maging 'national artist', ay itinala sa listahan ng mga nominado sina Conde (posthumous for film and broadcast), Lazaro Francisco (posthumous for literature), Federico Aguilar Alcuaz (visual arts, painting, sculpture, and mixed media), and Ramon Santos (music).ito ay matapos ang pagdaan sa proseso at pamantayan ng pagpili.

subalit sa nakakagulat na pangyayari, ang Malaca�ang ay naglaglag ng isa sa katauhan ni Santos at mula sa talaan ipinasok ang pangalan ng mga sumusunod: Cecile Guidote Alvarez (theater), Magno Jose Carlo Caparas (visual arts and film), Jose 'Pitoy' Moreno (fashion design), and Francisco 'Bobby' Ma�osa (architecture). itong mg anaidagdag ay batay sa prebelihiyo ng presidente na maghirang din ng mga national artist na hihirangin.

mabigat. kontrobersyal. may mga puntong naibato na magandang pag-isipan din, tulad ng pagiging 'elitista' ng paghihirang sa national artist.

mahusay talaga itong panghahati ni Gloria. biruin mo nagawa niyang guluhin ang mga alagad ng sining. andyan nang magpasaring sina carlo caparas at cecile guidote-alvarez na gagantihan ng tirada ng mga kagaya nina almario at lumbera at iba pang artista o alagad ng sining na tutul sa nangyaring anomalya sa pagpili ng 'national artist' ngayong taon. sa isang banda, nakatulong ito upang pagbigkisin ang mga alagad ng sining. totoo naman kasing mahirap pagbigkisin ang mga alagad ng sining. kaya sa isang bahagi nakakatuwa ang epekto. ipinapakita pa din ang pagmamalasakit at pagiging mabilis sa pag aresto sa mga buktot na gawi lalo pa't ang kasangkot ay subok ng tiwaling mga opisyal sa pangunguna ni GLORIA.

dapat maging malinaw lamang. makita natin na ang puno't-dulo ng lahat ng ito ay ang ginawa ni Gloria at ng kanyang mga korap na kasapakat o kasabawat. ang pag-abuso sa prebelihiyong magpasa o magpasok ng pangalan para hiranging national artist. dahil dito, nararapat lamang na magbigkis hindi lamang ang mga alagad ng sining sa usaping ito kung hindi ang mamamayang Pilipino. ang usapin ng pambabalahura ay talagang di katanggap-tanggap. ang pagpili ng mga magiging "National Artist Award" ay sagrado. kinakatawan nito ang sambayanang Pilipino. kaya wasto lamang na bantayan natin ito at pangalagaan. kailangan ibalik nila ang inilaglag nila mula sa orihinal na talaan. at aralin ang mga dinagdag na apat. at sa huli, makita natin ang kawastuhan bakit nananawagan tayo ng pagpapatalsik ng pekeng pangulo na ito. pati ang mga "alagad ng sining" at ang prestihiyosong "national artist award" ay nilapastangan.

mula sa mga kaganapan, dapat maagap na maaresto ito at magbalangkas ng bagong panuntunan upang magkaroon na ng malinaw na pamantayan hanggang saan ang kapangyarihan ng presidente sa pagpapasok ng karagdagang nominado sa mga magiging "national artist" ng hindi naiisangtabi ang mga komiteng naatasang pumili at maghain ng rekomendasyon at hindi naaabuso ang kapangyarihan nito.

pag-isipan natin. timbangin. MAKI-ISA ka sa laban.

*ito ay ilan lamang sa pagtingin ng may akda sa isyu. maaaring hindi akma sa iyong naiisip subalit hangad kong makatulong sa pagbuo ng higit na matibay na paninindigan at solusyon sa nalikhang problema ng rehimeng US-Arroyo. maaring bagsakan mo ng komentaryo upang mas makatulong. bukas po ito sa opinyon. salamat. - piping walang kamay

Wednesday, September 2, 2009

kung ano ang puno ganun din ang bunga







mikey arroyo: "...ill-gotten? hindi naman gaanong kalakihan iyan..."

**ang kapal ng mukha! hindi gaanong kalakihan? palibhasa mana sa mga magulang na kurakot kaya binabalewala ang halaga ng pera ng taongbayan basta sila makapangurakot lamang. mahusay paglaruan ang batas. ang kapal pa na maghamon na kung may nakikita tayong mali idemanda o maghabol tayo sa korte? tinamaan na ng mahusay na kawatan. talagang pati ang hustisya dudumihan. matapang na makipagharap sa korte dahil kayang kaya nilang paikutin ang hustisya sa bansa.

may araw din kayo sampu ng mga tuta ninyong korap sa gobyerno!

-piping walang kamay