kagaya ng libro
kailangan kitang isara
matapos pagurin ang aking mga mata
sa pagpepyestang ikaw ay mabasa
kagaya ng panulat
kailangan kitang ihimpil
matapos lumuha ng sandamakmak
ang sandata ko sa lulukuting papel
kagaya ng makina
kailangan kong tumigil
kung hindi ay disgrasya
pareho nating aabutin
kagaya ng dahon
kailangan kong malanta
upang bigyang patlang
bagong usbong sa sanga
kagaya ng tula
hindi laging may tugma
subalit di kailanman mawawala
itinatagong talinghaga
kagaya ng ilog
may hangganan akong tinatantsa
sapagkat iba ang sapa
ang dagat at ang daloy ng luha
-"susunod na kabanata", severino hermoso