Sunday, August 3, 2014

Paglilinaw sa mga tulad ni Bb. Ria Bautista

“Kung puro protesta pero wala namang inihahain na solusyon edi wala din kwenta. It's just a bunch of people whining. I don't wanna rain on the protesters parade (no pun intended) but really, impeachment na naman? So, wait, may ipapalit ba? Hindi naman pagkilos ang sagot sa problema pati na ang pagpapatanggal ng mga nahalal na mamuno. Avoid the problem before it happens and that means we must become more VIGILANT. Keep an eye on those in power BEFORE they do something stupid.

What I see here is we are also part of the problem,it's not just the president's fault. We have become a generation of apathetic whiners. And if the only solution we have is street protests, then protesters will never run out of jobs because they'll never run out of things to complain about. Yes it is close to impossible to change the system and corruption has become tradition in this country but unless we learn from OUR mistakes not just our leaders' and actually do something about it rather than take to the streets, history will continue to repeat itself.

If we want change, we should start with OURSELVES; the way we think, the way we act. We can't make a difference if we all remain the same.” –Ms. Ria Bautista


Paglilinaw para sa mga katulad ni Bb. Ria Bautista


Mapagpalayang araw. Ibig kong ilinaw ang, sa aking palagay, ilang napakalaking kahinaan sa iyong mga pahayag noong araw ng SONA tungkol sa mga taong nagpoprotesta sa kalsada at ang panawagang impeachment. Mahalagang gumuhit ng linya sapagkat ikaw ay isang artista na nakakapag-ambag sa paglikha ng pampublikong opinyon.

Likas sa atin ang pagpoprotesta. Lalo’t inilalagay tayo sa bingit ng alanganin. Sanggol pa lamang ay nagpoprotesta na tayo. Patunay ito kapag nagugutom o masama ang pakiramdam ng bawat sanggol. Umiiyak upang ipaalam ang pagkalam ng sikmurang nangangailangang mapunan. Hindi dahas ang magpapatahan sa kanyang sikmurang naghahangad masayaran ng gatas. Hindi palo. Sapagkat daragdag lamang ito sa ibayo pang pagpalahaw ng sanggol at dagdag sa hirap na kanyang nararanasan.

Hindi isang protesta lamang na walang inihahain na solusyon. Ang ganoong pahayag ay labis na pangmamaliit sa lakas at kapangyarihan ng sama-samang pagkilos ng mamamayan. Ang paglalahat ni Bb. Ria Bautista ay iresponsableng pahayag na hindi isinasaalang-alang ang aral ng kasaysayan.  Pinatunayan na po ng kasaysayan ang magagawa ng bawat kilos protesta. Hindi ko alam kung ano ang tinapos ninyong pormal na edukasyon. Hindi ko alam kung nakakuha kayo ng mga asignaturang Sibika at Kultura o klase sa Kasaysayan noong elementarya, hayskul, at kolehiyo. Hindi ko alam kung ano ang iyong pinagkakaabalahan (o kung ipinanganak na kayo) sa nakaraang dalawamput walang taon noong gapiin ng mamamayan ang diktadurya ng pamahalaang pinamumunuan ni Ferdinand Marcos. Hindi ko alam kung nakatulog kayo ng mahimbing noong patalsikin ng mamamayan ang isang korap na pangulong nagngangalang Joseph “Erap” Estrada noong 2001.

Marami pong inihahaing solusyon ang bawat protesta. We are not a bunch of people whining. Kung hindi po ninyo nakikita at binabasa ang bawat karatula at placard na bitbit sa mga rally ng mga nagpoprotesta, sa tingin ko, mas masahol pa kayo sa mga nasa palasyo at nananatiling manhid at bingi sa karaingan ng mamamayan. Mas malala pa kayo sa mga nilalang na pinagkaitang makakita ang mga mata. Naroon kasi ang bawat solusyong inihahain. Naroon po ang panawagan ng bawat kilos protesta. Kung hindi ninyo naririnig ang mga isinisigaw ng mga nagpoprotesta, katulad ka na rin ng mga nasa kapangyarihang daig pa ang mga bingi sa pagbalewala sa mga panawagan isinasatinig ng bawat kilos protesta. Hindi mo man lamang ba ipinagtataka kung bakit sa halip na harapin at makipag usap sa mga nagpoprotesta, mga pulis at militar ang ipinantatapat ng pamahalaang ito? Imbes na makinig at bigyang solusyon ang hinaing ng mga nagpoprotesta, bakit mga truncheon at pamalo at barb wire at truck ng bumbero ang ipinanghaharang sa mga nagpoprotesta? Bakit karahasan ang itinutugon ng gobyerno, na kailanman ay hindi naging solusyon, sa kahirapan at problemang dinaranas ng sambayanan?

Isang hakbang lamang ng mamamayan o mga aktibista ang kilos protesta tungo sa pag-abot ng solusyon. Hindi simpleng pagbibigay sisi ito sa mga nagdaan at kasalukuyang presidente. Ito ay paniningil sa patuloy na pagsasawalang bahala at pagtalikod sa kanyang sinumpaang tungkulin sa kanyang mga tunay na “boss” na hanggang sa sandaling ito ay patuloy niyang nililinlang gamit ang kanyang pahirap na “tuwid na daan.”

Bago ko malimutan, ano nga pala ang iminumungkahe mong solusyon sa kahirapang dinaranas ng mamamayan sa kasalukuyan?

Kung ang solusyon para sa iyo ay simulan ang pagbabago sa sarili sa palagay ko may problema tayo sa inihahapag mong solusyon. Madaling sabihing simulan ang pagbabago sa ating mga sarili, ngunit kahit ang ganoong mungkahi ay kasing labo lamang ng isang malabong paninging inalisan ng antipara. Katulad lamang ito nang pagtatapat ng dahas sa halip na makinig at bigyang solusyon ang karaingan ng mga nagpoprotesta na nananawagan para sa tunay na reporma sa lupa at suporta ng gobyerno sa agrikultura. Ang bawat kilos protestang nananawagan para sa seguridad sa trabaho, makabuluhan at nakabubuhay na sahod at pagbasura sa kontraktuwalisasyon ay hindi mareresolba sa pamamagitan ng pagbabago sa sarili. Paano bibigyang solusyon ng pagbabago sa sarili ang problema ng mga inagawan ng lupang sakahan at patuloy na pinagkakaitang mabuhay ng marangal? Paano reresolbahin ng pagbabago sa sarili ang patuloy na pagpapabaya ng gobyerno sa mga nasalanta ng bagyo at hanggang ngayon ay patuloy na nagtitiis sa masikip at malamok na evacuation center na kulang sa mga palikuran, at iba pang pangangailangan? Paano reresolbahin ng pagbabago sa sarili ang patuloy na pagpapabaya para sa desenteng panirahan?

Kahit mayroong mga batas na nangangalaga at nagpoprotekta sa mamamayan at sa yaman nito, nagagawa pa rin ng mga nasa poder at mga magnanakaw sa yaman ng bayan ang lahat upang paikutin ang batas sa kanilang mga kamay. Bakit hindi kayo nagbigay rin ng partikular na pahayag sa mga taong korap at kasangkot sa isyu ng DAP at PDAF? Ang nakakabagahe sa pahayag ng mga tulad mo Bb. Ria, inuusig mo ang mamamayang biktima ng mapagsamantalang sistema. Tulad mo rin kaming biktima pero hindi mo inusig ang mga salarin sa ating pagdurusa.

Hindi indibidwalistang pagtingin na pagsisimula ng pagbabago sa sarili ang makakapagbigay solusyon sa patuloy na lumalalang krisis sa bansa. Kolektibong pagharap sa problema ang solusyon. Sama-samang pagkilos ang dahilan bakit wala na tayo sa ilalim ng diktaduryang Marcos. Ito ang dahilan bakit kahit papaano tinatamasa ng mga nagtatrabaho ang walong oras na trabaho mula sa dating higit na sampung oras na pagtatrabaho sa mga pagawaan at empresa. Sama-samang pagkilos bakit mababa pa rin ang matrikula sa PUP na ngayon ay nananatiling Php12 kada unit. Sama-samang pagkilos ang nagbukas upang ang mga kababaihan sa bansa ay nakakaboto na ngayon at kinikilala na ang kanilang mga kakayanan. Sama-samang kilos ang ginawa ng mga Igorot sa pangunguna at inspirasyong ibinigay ng dakilang si MaCliing Dulag noong tutulan nila ang mga militar at mga nagbabalak paalis sila upang magtayo ng dam sa kanilang lupang ninuno sa probinsya ng Kalinga. Kilos protesta ng mamamayan ang dahilan bakit napalayas ang mga baseng military noong 1990’s sa bansa.

Higit na marami pang maibibigay na dahilan ang iba pang mga taong bahagi at kasama sa mga kilos protesta. Kulang pa ang katuwiran na binanggit ko sa siping ito. I suggest and I dare the likes of Ms. Ria Bautista to sit down and have a relevant discussion with this bunch of people being called as whiners. I dare you to listen. For once in your life, I dare you to take a timeout from your busy schedules and live with these people of whiners who always experience being oppressed. The least, talk to them and please, listen with your open heart. In that way, I am quite sure you’ll begin to understand why we have to join hands and protest to this oppressive government. You will begin to understand why we have to protest and change this oppressive system we have as of the present. And we can’t simply solve the problem by starting with ourselves. We have to collectively go out of our comfort zone and break out of the status quo. Protesting is one step to reaching the solution. Besides, we are not just protesting. Most of our times are spent in learning that springs out from living with the people. With the indigenous tribes, peasants, workers, fisher folks, youth, and other sectors being enslaved by the current system.

It is not close to impossible to change the system and the corruptions that have been living in the current system. These ‘people of whiners’ learned from their mistakes and value that lesson more than you do. These ‘people of whiners’ value their history so much that they refuse to keep calm and do nothing to solve the worsening crisis. That is the very reason why they are taking the streets and protesting. They are doing something to resolve the problem they are experiencing every day. They do not want to be eaten up by the status quo that you Ms Ria is actually promoting with such uninformed opinion you’re giving out. And this status quo has been oppressing the people for decades now.

If we want change, we should not only start with OURSELVES; we should unite with the people and take collective actions even to the point of taking the streets. Even to the point of taking arms if the situation calls for it. We can make a difference if we continue to unite and fight this oppressive system. And we can make a difference not from own doing but with the people.

Kung ikaw ay gumagawa ng aksyon mula noong pakiramdam mo ay itinutulak ka ng mga taong binu-bully ka kamo, ganoon din ang mga taong nagpo-protesta. Ang tawag sa aksyon mo ay protesta rin. Ang kaibahan lamang, kung susuriin natin, (maliban sa mga tao na atakeng personal na ang pamamaraan at tunay naming hindi dapat ganoon) sinusubok ng mas marami na ipaunawa sa iyo na may kahinaan sa pahayag mo tungkol sa mga kilos protesta at panawagang impeachment. Hindi ko alam kung inuunawa mo ba ang mga ito at iniintindi o sadyang nagsara ka na ng puwang upang tanggapin ang kawastuhan sa mga paliwanag at sariling palagay mo na lamang ang inaakalang tama.

Mas mabigat ang pambu-bully na dinaranas ng mamamayan mula sa mga ganid na dayuhan at lokal na kapitalista, korap na opisyal ng gobyerno at sa mga sakim na panginoong may lupa ngunit malalim nilang inaral ang kalagayan at nakita nila na ang unang hakbang sa pagkamit ng katarungan ay nasa sama-samang pagkilos. Binu-bully sila araw araw dahil sa laganap na korapsyon pero ikaw ba sa sarili mo ay kumatig sa mamamayang biktima at apektado ng korapsyong laganap sa sistema natin? Ipinahayag mo ba ang iyong pakikiisa sa mamamayan? Hindi, Bb. Ria. Minaliit mo pa ang tanging bagay na magbibigay laya sa pang-aaping ating dinaranas.

Sa aking palagay, panahon na upang makita mo ang tunay na larawan ng lipunan. Sana maliwanagan ka na hindi ito simpleng hiling. Hindi ito simpleng awiting ginagawa mo tungkol sa pag-ibig. Higit ito roon. Tungkol ito sa buhay. Tungkol ito sa ngayon at kinabukasan. Tungkol ito sa kumakalam na sikmura. Tungkol ito sa patuloy na pagkakait ng mga karapatan. Tungkol ito sa iyo at sa marami pang ibang ipinagwawalang bahala na lang ang tunay na problema at sinisikap mamuhay na sinisimulan ang pagbabago sa sarili. Hindi iyon sapat Bb. Ria. Higit pa roon ang kailangan nating gawin. At sa sandaling ito, sinasabi ko sayo na hindi titigil ang mga kilos protesta hanggang patuloy na ipinagkakait sa mamamayan ang mga demokratikong karapatang dapat matamasa. At ang IMPEACHMENT ay isa lamang sa napakaraming panawagan ng mamamayan hanggang patuloy sa pagtalikod sa sinumpaang tungkulin ang kahit sinong pangulo at iba pang pulitikong inihalal upang matapat na isulong ang interes at karapatan ng mamamayan tungo sa makatarungang lipunan. Hindi ito usapin kung may papalit ba sapagkat laging mayroong hahalili. Kaya nga nariyang ang Transition Council na inihahapag ng kalakhan ng mga kumilos noong nakaraang SONA. Ang usapin dito ay ang patuloy nating pagkilos upang siguraduhing matigil na ang pagsasawalang bahala ng mga nahalal na pinuno sa gobyerno.

Hangad naming maglinaw at magmulat. Batid naming ang pahayag na tulad ng kay Bb. Ria Bautista ay bunga lamang ng bulok na kulturang ipinapalaganap ng kasalukuyang sistema. Bukas ang aming pinto para makipagtalakayan. Ikalulugod namin na maupo kasama ang mga tulad ni Bb. Ria Bautista sa isang educational discussion upang makapaglinaw at matuto. Hindi pa huli ang lahat para sa ating bayan. Laging may pag-asa. At hindi kami sorry not sorry. Nakakaramdam kami ng sorry sa bawat kahinaan, arogansyang aming naipapakita at handang magwasto. Hindi lang sa indbidwal na pagwawasto kundi sa pamamaraang kolektibo. Kung ano man ang naging kahinaan ng ilan sa aming mga kasamahan ay huwag sana ito ang mangibabaw para hindi ka tumanggap ng katuwiran at makipag-isa sa naliliwanagang mamamayan. Sa tingin ko kailangan mo namang gumawa ng paghakbang. Ang totoo hinihintay ko ring sawayin mo ang mga taong nagkomento sa iyong FB status na lagpas na ang atake sa mamamayan at may maling pag-intindi sa mga nagra-rally. Nalulungkot ako na hanggang ngayon hindi mo itinatama ang kanilang maling pagtingin. Sarili mo lang ang isinasalba mo gayong may mga aktibistang nanawagan pa na huwag kang atakihin ng personal bagkus ay unawain ka at magpaliwanag.

Karamihan sa mga nagpo-protesta ay mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, guro, pedicab driver, vendor, burgis, kabataan, mag-aaral, at iba pang kabilang sa pinagsasamantalahan. Mga prinsipyado silang mga tao. Hindi sila mga whiner. 

May tungkulin kang itama ang mga lagpas na pahayag tungkol man ito sa iyo o hindi, tulad ng ayaw mo ring mamali ang pagtingin sa iyong pahayag. Sana sa susunod huwag kayong magbitaw ng mga pagtingin na hindi kumikiling sa interes ng mamamayan. Sana huwag kayong magbigay ng pahayag nang hindi sinusuri muna kung wasto ba ito o makakasama sa interes ng nakararami. Panlawakan mo ang pang unawa mo. Sabi nga, laging may dalawang bahagi. Huwag kang mawalan ng pasensyang magpaliwanag. At huwag kang magsawang unawain ang mga taong may maling pagtingin sa iyo. Maraming salamat. Hanggang sa muli. Para sa pagtatagumpay ng pakikibaka ng mamamayang inaapi.

Wednesday, July 14, 2010

[tumula] susunod na kabanata

kagaya ng libro
kailangan kitang isara
matapos pagurin ang aking mga mata
sa pagpepyestang ikaw ay mabasa

kagaya ng panulat
kailangan kitang ihimpil
matapos lumuha ng sandamakmak
ang sandata ko sa lulukuting papel

kagaya ng makina
kailangan kong tumigil
kung hindi ay disgrasya
pareho nating aabutin

kagaya ng dahon
kailangan kong malanta
upang bigyang patlang
bagong usbong sa sanga

kagaya ng tula
hindi laging may tugma
subalit di kailanman mawawala
itinatagong talinghaga

kagaya ng ilog
may hangganan akong tinatantsa
sapagkat iba ang sapa
ang dagat at ang daloy ng luha

-"susunod na kabanata", severino hermoso

Wednesday, July 7, 2010

[tumula] love letter mula sa CS*

walang pulang rosas
sa aking mga kamay
upang sa araw ng puso
sa iyo'y aking ibigay

walang matamis na tsokolate
akong maiaabot
walang lobo't regalo
akong maihahandog

at kahit itong liham
batid kong di aabot
upang iparating ang pagbati
ng mainit na pag-irog

walang pulang rosas
dito malapit sa akin
ang kaulayaw lang
sa aking tabi itong M16


at ang pouch ng magasin na kayakap
sa mahamog na gabi
habang tinatanglawan ako ng kandilang may sindi
sa aking pagsusulat nitong liham na hinahabi

walang matamis na tsokolate
akong maipapadala
at kahit dito sa liham
di mo maaasahang masilip
salitang matatamis ay nakaukit
marahil sapat nang maiparating
kahit gaano kahirap
na sa araw na ito
at mula noong madama kong
tinatangi ka
maghihintay ako sa ating
binubuong pagsinta...


-"love letter mula sa CS", maria baleriz
*CS = countryside. ito ay pinilas na bahagi.


Image by FlamingText.com

Sunday, June 27, 2010

[tumula] ganito kita aalalahanin



marilag ang buwan ngayong gabi
at tatahiin niya ang dalawang bagay:

ang paglisan at ang pagdating.

unti unti niyang ihahatid sa pampang
ang araw na papalayo na ang kinang
kasabay ng paghihintay na naglilibang
sa pagdaong ng bagong araw na hirang

ipapatianod na niya sa alon ng tiwasay na dagat
ang bigat ng papalayong araw
kung saan isusulat na ito ng kasaysayan
at ibibilang sa masagana nitong nakalipas

makulay ang bawat paglisan
lipos ng pandama at pagmamahal

may lila para sa pagmamahal
at may kahel para sa alab na tangan
naghuhumiyaw ang pula sa paglaban
at ang bughaw ay pilit na pumapailanlang
subalit ano nga kaya ang kulay ng paglisan?

ganito kita aalalahanin
isang bahagharing di magmamaliw sa paningin
palaruan ng kulay at damdamin
at sa aking gunam gunam nakangiti man din

sapagkat ikaw ay hindi kumukupas na alaala
at hindi nagmamaliw sa kariktang iniadya

kaya sa pagsalubong ko sa paparating na umaga
ba-ba-u-nin kita
babaunin...



*bahagi ng tulang "ganito kita aalalahanin" ni piping walang kamay
**ang larawan ay mula sa layoutsparks.com

Wednesday, May 19, 2010

[tumula] paggunita sa isang Ka Bel

nagpaskil sila ng pagbibigay pagkilala
upang sa kalagitnaan ay lituhin din lang ang masa
ibinandila ka ng mga nagpapanggap na makabayan
upang masabi lang na kaisa sila sa paglaban

nagsusulputan ang mga hungkag at pilantropo
tuwing gugunitain ang kaarawan at araw ng pagpanaw mo
pero hinding hindi nila kami maloloko
dahil may isang huwarang gabay kami sa iyo

hindi mag-aatubiling mangutang
lalo't gipit ang abang kalagayan
naturingan kang mambabatas sa kongreso
subalit ipinakita mong sa masang anakpawis di ka nalalayo

handang makitulog sa piling ng masa
at makikain kung ano ang nakahain sa mesa
lalahukan mo ito ng mga gintong aral mong turo
na magpapasarap pa sa kainang kamay ang pangsubo

wala man ngayon ang katawang tao mo
lalo't tuwing sasapit ang Mayo uno
sa tuwi-tuwina'y kasama ka namin:
sa bawat manininda doon sa Quiapo
sa bawat mukha ng mga taga-Tondo
sa mga kargador sa pyer at terminal ng bus
sa bawat tsuper ng dyip at bus at taksi
sa bawat batang palaboy at di makapag-aral
sa bawat matang ginugutom ng sistemang gahaman
sa bawat magsasakang nagtitiis sa kahirapan
sa bawat masang anakpawis

lagi't lagi nasa amin kang gunita
sapagkat di kailanman malilimot ang iyong ginawa
kung paanong ang dedikasyon sa trabaho
hindi mapipigil ng kahit na sino
naalala ko pa ang nakakamanghang kwento
tungkol sa pagiging huwaran mo
kahit pa naputol na ang kuryente ninyo
dahil wala talagang pera pambayad sa atraso
hindi ka naawat na tapusin ang batas na panukala
upang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa
at kabuhayan ng mga maralita ay malikha

Ka Bel
marami pa din kaming naghahanap sa iyo
sa tuwi-tuwina
nananabik
hindi pa din makapaniwala
parang kailan lang naman
kasama ka naming nagmamartsa sa lansangan
sabay tayong umaawit sa mga pagkilos
dinadakila ang madla sa kanilang pakikipagtuos

umaawit
at muling umaawit ng pagdakila ang madla
sa kabila ng iyong pagkawala
mula ng kumilos ka para sa panlipunang paglaya.
iniukit mo na habangbuhay ang kung ano ang nararapat na tama

hindi ka nabigo
at hindi mabibigo
kikilos kami at ang sambayanan
upang bigyang kaganapan ang mga paglayang pangako


-Image by FlamingText.com(May 1, 2010)

Monday, May 17, 2010

Dalampasigan, Nasaan ang Pag-ibig?

Naglalakad ako sa may tabing dagat. Masangsang na ang amoy nito subalit matingkad ang kanyang mga ulap. At sa gabing paparating, ikukubli niya ang kanyang kariktang batbat na ng pilat at mga hinaing. At sa gabing parating, magbibihis siya ng makulay na kamiseta. Kumikinang ang ganda niya kahit walang koloreteng kasama. Sapat na ang mga ilaw upang bihisan siya ng alindog na tunay na kaiga-igaya sa mga mata. dagdag na marahil ang mahaharot na sinag na nagkukubli sa kanyang kumukupas na ganda.

Matagal kong hinanap hanap itong dalampasigan. At ang mga tao na siya na ang naging kanlungan. kasabay ng paglipas ng mga taon, patuloy kong tinatahak ang landas ng kasagutan sa matagal ng katanungang bumabagabag sa akin mula pa noon.

naaalala ko pa noong madinig ko ito. sa isang estrangherong di ko pa naaarok ang talinghagang hinahabi sa mundo. subalit kagaya ng karamihan. kagaya ng bawat nilalang. may angkin siyang lalim at natatanging kaalaman. at sa tanong na kanyang tinuran sa harap ng hinahangaang dalampasigan doon nagbago ang lahat lahat. tila huminto sandali ang aking mundo. napakunot ang aking noo. at napaisip. animo sigaw na hanggang ngayon ay umaalingawngaw pa din ang kanyang tanong sa daigdig. sa harap ng hinahangaang dalampasig.
"Nasaan ang pag-ibig?"

hindi ko alam kung problemado siya. at sinusubukan niyang bumalik sa reyalidad. sa katinuan. hindi ko alam kung anu-ano ang kanyang iniisip noon. kung magulo ang takbo ng mga bagay bagay sa kanyang utak kagaya ng sinasalamin ng kanyang larawan noon. gusgusin. nanlilimahid sa libag. marusing ang suot na damit. at ilang buwan na, sa hinuha ko, na hindi pa naliligo. hindi ko alam kung nalugi siya sa kanyang negosyo. o iniwan ng kasintahan o asawa o pamilya. hindi ko alam kung nabiktima siya ng mga taong gipit sa pinansya kung kaya't inagawan siya ng kagamitang maaaring maibenta o maisangla o pagkakaperahan upang may maipangpakain sa nagugutom na sikmura ng mga anak at asawa. hindi ko alam kung nabiktima siya ng mga manlolokong nangangakong makapagtatrabaho siya sa ibang bansa at dahil nagbaon sa pagkakautang ay naging palaboy upang takasan ang masaklap na naging kalagayan. hindi ko alam kung inagawan sila ng lupa ng isang ganid na pulitiko o hasyendero sa probinsya nila at dahil lumaban siya'y nadamay ang kanyang mga mahal sa buhay at siya na lang ang nakaligtas kaya ngayon dahil nawala na ang halos lahat lahat sa kanya ay nagpagala gala sa kalsada ng maynila. hindi ko alam kung dahil sa babang na sahod niya at dahil sa hirap ng buhay ay nagkabaon baon sa utang sa dahil sa labis na kahirapan at problemang pasan pasan pinili niya ang lansangan. hindi ko alam. hindi ko alam bakit niya nasabi iyon. ang mga katagang nasaan ang pagmamahal? pero naging makahulugan ang mga kataga niyang binitawan ng mga sandaling iyon. matalinghaga. at kahit magpahanggang ngayon natitigagal ako. may katiting ng diskriminasyon sa isip dahil di makapaniwalang masasambit iyong ng tulad niya ng mga sandaling iyon. hindi ko alam. pero malaki ang naitulong niya sa akin. at sa kabilang banda. naitanong ko din sa aking sarili.

"Nasaan nga ba ang pag-ibig?"

hanggang ngayon. tinatanong ko ito. hindi dahil sa hindi ko pa nahahanap ang aking pagsinta. hindi dahil sa lumisan na itong damdamin halos anim na taon na ang matuling naglakbay. tinatanong ko pa rin ito magpahanggang ngayon. hindi dahil sa wala ako nito ngayon sa burges na pamantayan ng pag-ibig. hindi dahil sa wala akong kahawak kamay sa paglalakad sa pook pasyalan. hindi dahil sa wala akong kahawak kamay sa mga iskinitang dinadaanan. hindi dahil sa wala akong inaalalayan na sinisinta sa paglalakad o pagsampa sa magarang kotse dahil wala ako nito pareho. hindi dahil wala akong kapalitan ng mga mensaheng "ingat ka" o "kumaen ka na ba?" o sinasabihan ng "mahal kita". hindi dahil sa mga ito. subalit tinatanong ko ito hanggang ngayon. dahil hanggang ngayon nalilito. hanggang sa sandaling ito may gulo. medyo.

hanggang ngayon bumabalik ako. doon sa dalampasigan. nagbabaka sakaling magkita kaming muli noong taong gusgusin. baka sakaling makausap ko siya at maitanong kung nahanap na ba niya nasaan ang pag-ibig? baka sakali kasing kung hindi pa niya natatagpuan ang pag-ibig na hinahanap ko rin. at sa tingin ko ng maraming iba pa, matulungan ko siya na mahanap namin. sa nagdaang mga panahon kasi, sinuri ko ang mga bagay, pangyayari, salita, pagkain, lugar, tao, damdamin, at awitin. ang mga likhang sining. baka sakaling mapagtagpi tagpi namin. o baka rin hindi. subalit anu't ano man, mainam na aming sinubukan.

"Nasaan ang pag-ibig?"

nasa sabong ginamit mo. sa usok na ibinubuga ng tambutso ng sasakyan at malalaking 'tsimniya' ng mga pabrika. sa cellphone mo. sa mensaheng "ingat" ng bawat ina sa kanyang asawa at anak. sa nagnakaw ng pitaka noong ale sa palengke. sa mga welga. sa perang binibilang ng mga may ari ng kompanya. sa malamig na kainan ng McDo sa Avenida. sa mga rally sa Mendiola. nasa mga mahihigpit na yakap na madalas kong masilayan sa magkasintahan sa isang sliblib na sulok sa luneta.

naroon sa mga silid aralan. sa mga laboratoryo. sa mga kemikal na pinaghalo halo sa isang test tube at inilagay sa isang test tube rack. naroon sa naglalakihang mga billboard sa EDSA. nakalapat sa mga katagang "ang hinahawakan mo ngayon ay ang kinabukasan ng mundo" na nakasulat sa isang urinal ng MMDA sa kahabaan ng EDSA.

"Nasaan ang pag-ibig?"

marahil naroon din sa isang pagkakataon. o marami. kung saan inaabot ng isang kamay ang bayad ng isang ale upang ipasa sa isa pang kamay. hanggang makarating sa kamay ng tsuper ng dyipni. may pag-ibig doon. marahil.
o kaya sa nasaksihan kung sunog. sa isang squatter's area sa recto. aligaga ang lahat na maapula ang apoy na unti unti ay nginangata ang mga bagay na kakayanin pa ng kanyang sikmura. may pag-ibig doon. marahil. naroon sa pagnanais nilang mapuksa ang apoy. na lalo pang lumalaki at tumutupok ng maraming bagay. naroon sa maingay na serena ng trak ng bumbero na papalakas ng papalakas habang nalalapit sa aking kinatatayuan. may pag-ibig din doon. marahil. at siguro. naroon ang pag-ibig sa mga sigawan at hiyawan. at mga kilos ng paghila sa hose ng tubig. sa pagpapasahan ng mga timba ng tubig at ihahagis ang laman sa apoy na nagpipilit pang lumamon ng mga bagay na kaya nitong pagningasin. naramdaman ko talaga nandoon ang pag-ibig. mainit kasi. naglalagablab. pati ang mga mata ng mga tao nakita ko ang alab. habang ako nasa di kalayuan. nakatunganga. matama silang pinagmamasdan. may pag-ibig din sa ganoon. marahil.

nandoon ito sa kulay itim na t-shirt ng isang dalagang maganda. na nadinig ko mula sa usapan ng dalawang binata na nakasakay ko sa dyipni. chicks daw ang tawag sa kanya. nasa katagang sexy na sinambit ni manong noong makita niya ang isang binibining naglalakad sa kalsada at tila kinulang sa tela ang suot nito't postura. may pag-ibig marahil doon. siguro. kahit katiting. ewan. nasa kulay lilang bestida ni lola. na may desenyo ng mga bulaklak at bilog na kulay dilaw at pula. may pag-ibig doon. ang ganda. nasa kulay tsokolateng sapatos ni kuya. nasa naipit na paa. nandoon sa shades ng isa kong kasama kanina sa panonood ng sine sa may mall doon sa may Ermita. naroon sa mga nagnanais ng kotse at sapatos at damit at laptop na atat na atat ng mabili. nasa mga inuman. at mga birthday party. sa mga swimming at outing upang tanggalin ang pagod ng halos buong panahong pagtatrabaho at pag-aaral. nasa mga sigarilyong nakapakete at hinihithit. nasa mga lighter na pansindi. naroon ang pag-ibig. siguro.

nandoon sa mga pawisang katawan sa pabrika. sa mga katawang madalas ay mag-overtime upang makalaki ng kita subalit ang totoo kakarampot pa din ang matatanggap mula sa mga kapitalistang ganid sa tubo. naroon sa silid na malamig sa makanyang. nasa baril na sukbit sukbit ng mamang pulis na malaki ang tiyan sa kanyang tagiliran at kung makangisi daig pa ang kontrabidang si Paquito Diaz. nasa mainit na singaw ng lupa sa katanghalian. sa alimuom na sumibol mula sa mainit na kalsadang winisikan ng tubig.

nasa mga bote ng alak na tinotoma ng mga lasenggero sa isang kanto ng iskinitang binagtas ko pauwi. naroon sa kanilang pulutang pinagsasaluhan. nasa platito ng mani nilalantakan nila bilang pulutan. natanaw ko din ang pag-ibig. doon sa labada ni nanay Violy. nasa mga hugasing plato at basong inaaway ngayon ni nanay merli. naroon ang pag-ibig. doon sa naghihimas ng manok na si tatay Ben.

"Nasaan ang pag-ibig?"

naroon sa text message na, "mahal kita behbeh koh! :) mwuahh!" at rereplyan naman ng ganito, "mas mahal kita behbeh q! mwah mwah mwah! :* " ng kasintahang ibig iparamdam ang pag-ibig kung ano. samantalang sasandali lamang silang nagkalayo. at mangingiti ka sa kaalamang ito. at maging ikaw na makakabasa nito. naroon ang pag-ibig. siguro.

Nasa bukid na binubungkal upang pagtaniman. Nandoon sa kasamang umakyat sa bundok upang itaas ang antas ng pakikibaka. upang makipamuhay sa mga magsasaka. iniwan ang rangya ng buhay sa maynila. naiwan ang pamilya doon sa lungsod. naiwan ang isang pagsintang nasa murang gulang pa lamang. isang pagsinta na tulad niya ay nakikibaka. nakikibaka subalit may lungkot sa mga mata. ang puso ay may dugong iniluluha.

naroon sa mga buhay na nawala. namatay sa sakit. o pinatay ng mga ganid. nasa mga paglaban at pag-awit. at pagtula at pagsayaw. naroon sa mga pelikulang inabangan at inaabangan. nasa mga linya nina guy at pip noong araw. nasa mga litanya di ngayon nina Dingdong at Marian. at John Lloyd kay Bea. o ni Gerald kay Kim. nasa mga pabangong nakalata. babasaging sisidlan na pagkamahal mahal ng halaga. may pag-ibig sa kanila. marahil
nasa luntiang kabundukan ng cordillera. nasa mga ugat ng puno. sa mga dahon nito't sanga. naroon sa higad na maingat kung gumapang at nanginginain ng dahon. nasa mga mariposang natatangi ang ganda. sa langit na bughaw. sa ulap na kanina ay aking natanaw. naroon sa makulay na bahaghari na gumuhit na parang pagngiti. nasa mga langay-langayan, pipit, at iba pang ibong nagliparan sa himpapawid habang ang iba'y namamahinga sa mga sanga at kawad ng kuryenteng nakabitin sa dalawang tore. naroon sa pagluha ng langit. na sinalo ng lupa at naipon ng bundok subalit hindi niya matanganan lahat kaya may ilog na tinatawag. at siyang bumiibitbit lahat ng tubig at rumaragasa. patungo sa dagat na kay lawak at matalinghaga.

nasa mga dapithapong nahahapo ako sa paglalakad kaya mauupo ako sa bangketa agad gad. habang mamalasin ko ang sandamakmak ng taong naglalakad. at oobserbahan ko ang kanilang mga galaw. ang kanilang mga mukha. ang kanilang buhok. may kalbo. may maikli. may napapanot na parang kandilang naluluoy. nandoon sa mga suot nilang damit. may magara at tingin ko'y mamahalin. nasa tatak ng kanilang suotin. may gawa ni mang karding. at ang iba may maliit na check. nakasando si ate. si lola nakasapal ang makapal na kolorete. nandoon ang pag-ibig. nasa nagtitinda ng dyaryo at kendi. nandoon sa kainan ng kwek-wek at isaw sa hintayan ng dyip sa may pedro gil. may pag-ibig doon sa mga nagkalat na basura. tansan at plastik. sa mga pinturang lumapat sa mga pader at kalsada upang bumuo ng mga mensaheng salita at obrang pinta. naroon sa mga awit ni yoyoy villame. nasa telebisyon at bentilador. na mabilis pa ata ang ikot ng mga disco ball. nasa mga ilaw na mahaharot. nandoon sa perang papel na aking napulot. nasa bente-singko na aking nadampot sa kalsadang medyo nilulumot. nasa camera ng potograper. nasa loob ng computer.


"Nasaan ang pag-ibig?"

huwag itanong kung mayroon ako nito. nasa lahat ng panahon at lugar ito. nasa bulsa mo. nasa likod ng dibdib mo. subalit hindi lamang nananahan sa bagay na nandoon at sing laki ng kamao. pumipintig. tumitibok. nasa hangin. sa lahat ng bagay na pumipintig. o sa walang buhay pero nagagamit. naroon. naroon siguro ang pag-ibig. sa palagay mo?

Monday, February 15, 2010

tumula: kwarenta y tres


upang ang mamamayan ay higit pang mapagsilbihan
na sa kasalukuyan ay pinagkakaitan nitong pamahalaan
ng karapatan sa libreng serbisyong pangkalusugan

silang kwarenta y tres
nagtipon upang magsanay
at patuloy na magpakahusay
sa gawaing pangkalusugan
upang sa gayon makapagsilbi sa mamamayan
at ang mga sakit at aksidente agad malunasan

serbisyong walang hinihintay na kapalit,
bayad na pera o medalyang sa leeg isasabit
o plake o tropeong ipagmamalaki
dahil kahit gantimpala di nila inaari

sapagkat para sa kanila
ang tunay na paglilingkod
di kailanman matutumbasan ng salapi

subalit itong mga militar at pulis na tuliro at bopol
sa labis na desperasyong ang mga NPA ay malipol
kwarenta y tres na manggagawang pangkalusugan
mga tunay na huwarang sibilyan at di armado
kanilang pinaratangang mga rebelde diumano
upang bigyang katuwiran ang kanilang pagdakip
isang malaking katarantaduhang matagal ng sa kanila nakalakip
at ipagyabang sa madla ang kanilang matagumpay daw na kampanya:

sa pagtatapos ng 2010 ang NPA wala na
utos ng kurakot na amo nilang si gloriang walang kwenta

nagkakamali kayo sa pag aakala
sapagkat di kailanman malulupig ang
tunay na malapit sa masa

kung NPA ang paglilingkod sa mamamayan
salamat at tinutulungan ninyong ipakita ang katotohanan

kung ano ang kulay ninyong mga berdugong militar
at ano ang kawastuhan sa mga mga rebeldeng inyong
pinipilit lusawin sa kasalukuyang lipunan

ngayon pa lang
ngayon pa lang
dapat na ninyong maunawaan
nabigo na kayo sa kwarenta y tres

nabigo na kayo sa sambayanan
dahil tinulungan pa ninyong hikayatin kami

ang pagrerebelde ang wasto
na NPA ang dapat tularan

tunay na naglilingkod sa mamamayan!

-"kwarenta y tres",Image by FlamingText.com