Wednesday, May 19, 2010

[tumula] paggunita sa isang Ka Bel

nagpaskil sila ng pagbibigay pagkilala
upang sa kalagitnaan ay lituhin din lang ang masa
ibinandila ka ng mga nagpapanggap na makabayan
upang masabi lang na kaisa sila sa paglaban

nagsusulputan ang mga hungkag at pilantropo
tuwing gugunitain ang kaarawan at araw ng pagpanaw mo
pero hinding hindi nila kami maloloko
dahil may isang huwarang gabay kami sa iyo

hindi mag-aatubiling mangutang
lalo't gipit ang abang kalagayan
naturingan kang mambabatas sa kongreso
subalit ipinakita mong sa masang anakpawis di ka nalalayo

handang makitulog sa piling ng masa
at makikain kung ano ang nakahain sa mesa
lalahukan mo ito ng mga gintong aral mong turo
na magpapasarap pa sa kainang kamay ang pangsubo

wala man ngayon ang katawang tao mo
lalo't tuwing sasapit ang Mayo uno
sa tuwi-tuwina'y kasama ka namin:
sa bawat manininda doon sa Quiapo
sa bawat mukha ng mga taga-Tondo
sa mga kargador sa pyer at terminal ng bus
sa bawat tsuper ng dyip at bus at taksi
sa bawat batang palaboy at di makapag-aral
sa bawat matang ginugutom ng sistemang gahaman
sa bawat magsasakang nagtitiis sa kahirapan
sa bawat masang anakpawis

lagi't lagi nasa amin kang gunita
sapagkat di kailanman malilimot ang iyong ginawa
kung paanong ang dedikasyon sa trabaho
hindi mapipigil ng kahit na sino
naalala ko pa ang nakakamanghang kwento
tungkol sa pagiging huwaran mo
kahit pa naputol na ang kuryente ninyo
dahil wala talagang pera pambayad sa atraso
hindi ka naawat na tapusin ang batas na panukala
upang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa
at kabuhayan ng mga maralita ay malikha

Ka Bel
marami pa din kaming naghahanap sa iyo
sa tuwi-tuwina
nananabik
hindi pa din makapaniwala
parang kailan lang naman
kasama ka naming nagmamartsa sa lansangan
sabay tayong umaawit sa mga pagkilos
dinadakila ang madla sa kanilang pakikipagtuos

umaawit
at muling umaawit ng pagdakila ang madla
sa kabila ng iyong pagkawala
mula ng kumilos ka para sa panlipunang paglaya.
iniukit mo na habangbuhay ang kung ano ang nararapat na tama

hindi ka nabigo
at hindi mabibigo
kikilos kami at ang sambayanan
upang bigyang kaganapan ang mga paglayang pangako


-Image by FlamingText.com(May 1, 2010)

No comments: