Tuesday, May 5, 2009

[pagtingin] sa patalastas na "AKO MISMO" **

 babala. (paumanhin kung mahaba at tamarin ka)
pag-isipan mo din itong pagtingin ko na maaaring mababaw at walang katuturan subalit baka makatulong din. minsan dapat mong tingnan ang ilalim para higit mong matimbang kung kaibig-ibig nga ba ang nakikita sa pang-ibabaw. 


may isang patalastas na madalas ipakita ngayon sa telebisyon. isang minutong patalastas kung saan kabilang ang ilang kilalang personalidad kagaya nina Ely Buendia, Angel Locsin, ang mag-amang Edu at Luis Manzano, Chris Tiu, Maxene Magalona, Charice Pempengco, at Arnel Pineda. sa unang tingin, maganda ang pagkakagawa. tumatalakay sa pagmamahal sa bayan. babaybayin ang ilan sa mga usapin sa lipunan sa kasalukuyan.makinis at malinaw ang pagbitaw ng mga linya. swabe ang palitan ng mga tao at pagsasalita nila. isang paraan upang ipakita na kinakatawan nila ang iba't-ibang sektor ng lipunan. mayroong nagmula dati sa mahirap o iyong tinatawag na mula sa slum area kagaya ni Efren Penaflorida Jr. mayroong galing sa relihiyong Islam. mayroong women's rights advocate, kinatawan mula sa simbahan, isang child prodigybusinessmanbasketball player, manunulat, estudyante, mang-aawit, internet celebrity at iba pa. pero ang kapansin-pansin, walang magsasaka, manggagawa at indibidwal mula sa slum area sa patalastas. walang mahirap. walang madusing. lahat sila propesyonal o nakakaangat na o nasa gitnang uri. lahat sila, sa bandang huli ng patalastas ay bibigkas ng "ako mismo" habang inilalabas nila ang dog tag. pagkatapos nito mababasa mo ang mga katagang ito: 

Ikaw, ano mismo ang gagawin mo?
Sign up and be counted. 

mabibitin ka. maiintriga. at susundan mo ang  ilan pang mga impormasyong ipinaskil nila sa patalastas. susundan mo ito sa internet sa "www.akomsimo.org". o kaya magtetext ka sa AKOMISMO at ipapadala mo sa 2861.

kapag binista mo na ang kanilang website, nananatiling misteryoso pa din nag dating.consistent, in fairness. hanggang sa makapagparehistro ka na. ito ang malalaman mo tungkol sa kung ano ba ang AKO MISMO campaign na ito.

Ano nga ba ang AKO MISMO?
ayon sa kanila (mula sa kanilang website):

"AKO mismo is about YOU…

… making a stand and taking real action for the causes you believe in. Causes that you yourself can truly pursue to make a real, positive difference to your fellow countryman, to your country.
It is for you who still dare to hope that life for millions doesn’t have to be a hopeless battle against problems like poverty, illiteracy, unemployment.
It is for you who believe that not enough is being done about our country’s problems. And that to do right things, you’ll do them yourself.
It is a movement where you can show your patriotism and compassion, and make these traits infectious.

It’s about action that eradicates hopelessness in every Filipino.

How hard will this be to accomplish? Well that will be entirely up to you.
In AKO MISMO you get to choose the cause you wish to pursue. No cause is too small as long as it is a noble one. All we ask is that you make a pledge to do it.
You yourself can pledge anything: from teaching English to your yaya’s kid, to making sure that your barangay is dengue-free.
Or make a pledge to do your part in ending corruption, prostitution, illegal drugs or the inhumane treatment of animals. The choice is yours.
No matter how small, as long as you pledge that you yourself will take action, it’s sure to make a big difference.
Giving more hope for Filipinos to stop merely surviving, and start living. And it starts with you.

MISMO yan. "


mahusay na sana. pero may problema sa laman. sa mensahe. sa mapanlinlang na paraan. ngiti.


una, ipinapakita na agad ang pagiging komersyalisado nitong kampanya. kita mo na agad na may malaking kitang malilikom mula dito. isang kampanyang tinutulak o pakulo ng SMART telecommunications. sa pagpasok pa lang ng text na kakain na ng load ng kahit sinong magtetext, hanggang sa dog tags na tiyak namang ibebenta nila, masasalamin mo na agad na KITA o TUBO ang tinuturol nito o pangunahing layunin. makikita mo na agad na isang pakulo na naman ng mga kapitalista upang pagkakitaan ang tao. pagkakakitaan pa din ang isa sa mga motibo kaysa sa ipinapakulong pagbabago sa bayan.

pangalawa, sa mas malalim pang pagtingin, gagamitin ito ( ang mga impormasyon ng mga nagpatala sa kanilang website sa www.AKOMISMO.org), at maaari naman talagang magamit, sa kampanya para sa eleksyon 2010 (a political ploy). kahit sinong pulitiko na may kakayanan at handang magbayad ay maaaring makakuha ng mga datos mula sa SMART telecom sapagkat ang maiipong mga datos mula sa mga lalahok sa AKO MISMO website ay lilikha ng isang database na maaaring magsilbing voters mapping.  at ang higit pang nakakatakot dito, ang mga impormasyon ibinigay mo mula sa pasagot sa required details para makapagpatala ka gaya ng: mobile number, name, address at iba pa ay maaaring magamit sa eleksyon. at ang pinakamalala, COMPUTERIZED ELECTION  na ang tinutulak sa 2010. kaya nakikinikinita na natin ang paglitaw ng demands sa mga computer genius at hackers. dayaan na naman. "kamown". maaari din nating masilip ang anggulo na si MVP (Manny V. Pangilinan) ba ay may balak tumakbo?

panghuli, ang mensaheng pagbabago ng bayan sa pamamagitan ng pagsisimula sa sarili. 

"AKO".  "sarili". "indibidwal".

tama ito sa isang bahagi. dahil kailangan simulan sa sarili. subalit mapanganib ito sa kabuuan. dahil mahuhulog tayong lalo sa kahirapan. bakit? dahil sa sandaling sariling pagtingin mo na lang ang paiiralin mahuhulog tayo sa maaari pang ikalugmok ng bayan. ang simulan sa sarili na kampanyang ito'y isang estratehiya ng burgesya o ng mga naghahari-harian (nagsasamantala) upang panatiliin ang tinatawag nating status quo. upang panatilihin ang pagkakawatak watak ng tao. ilalayo at ilalayo lang tayo nito sa pagiging walang pakialam sa tunay na ugat ng problema. 

ang "AKO MISMO" na kampanya dito ay mas nagtutulak ng indibidwal at hiwalay na pagkilos para sa pagbabago at pag-unlad ng bayan sa halip na pagtutulak mismo sa sarili na makialam, makisangkot, at makibaka para sa panlipunang pagbabago sa pamamagitan ng"kolektibong pagkilos". 

magandang suriin din natin dito ang mga "testimonya" mismo. doon sa mismong patalastas, nabanggit ang "ayoko ng magreklamo" "ayoko ng umasa sa iba" , "ako na ang kikilos", at "ako na ang gagawa ng paraan" na ilang mga kataga o linya na kabilang sa buong patalastas. mga katagang mas makasariling layon ang tatampok imbes na kolektibong interes o interes ng nakararami. paano nga ba natin ipapakita ito sa aktuwal. halimbawa: ang kalagayan ng relasyon ng mga manggagawa at mga kapitalista. ilang usapin sa relasyong ito ay baybayin natin. kahit mababa na ang sahod ng mga manggagawa, hindi pa din ba sila magrereklamo kahit nagkakandabaon na sila sa utang? magtatrabaho na lang ba sila at ipagsasawalang bahala ang pagsasamantalang dinaranas nila? at itong mga kapitalistang ito, bakit hindi nila mapagbigyan ang dagdag sahod na hinihingi ng mga manggagawa bilang karapatan naman nila ito at pangangailangan. paano mo itutulak ang mensahe ng "AKOMISMO" na kampanya?

paano lulutasin ng AKOMISMO ang problema ng mga taga SQUATTER's AREA? bakitdemolisyon imbes na disenteng tirahan at maayos na pagkakabuhayan o pangmatagalang trabaho ang ibinibigay sa kanila? lahat at hindi isa ang may problema. kinakatawan na ba niEfren Penaflorida Jr. ang lahat ng mga kabataan o mga naninirahan sa mga slum areas bilang doon din siya nagmula? bakit hindi magawa (tinatawagan ko ang mga nasa kongreso, senado, at mga nasa malakanyang) na libre ang edukasyon sa lahat? i-applyninyo ang akomismo sa ganitong paraan at tiyak ko na magkakaroon ng edukasyon ang lahat at pati ang mga isisilang pa lang at hindi lang ang iilan ang makakapag-aral. sa lipunang ito, matagalang proseso ang tagumpay pero kapag mag-isa ka lang malabong maabot mo ang tagumpay. sa akomismo kasi tayo ay parang mga alimango sa isang sisidlan na nagsisikap makalabas sa pamamagitan ng paghahatakan din. ipinakita at pinatunayan na ito ng kasaysayan. tamang simulan sa sarili pero hindi dapat hiwalay. dapat tukoy at koordinado. KOLEKTIBO. sama-sama.

totoong may problema sa lipunan at kailangan ang "ako" para sa pag-unlad pero kung ang akong ito ay hindi lalahok o magiging koordinado sa "tayo" walang tagumpay tayong makikita.ang akomismo ay magtutulak sa buhaghag pa rin na pagkilos. at ang buhaghag na pagkilos ay hindi tutungo sa kaayusan. kapos ang "akomismo" sa pagbibigay ng dapat na pagkilos. hindi lang sa antas ng pagbabayad ng buwis, o paglilinis ng kapaligiran, o paglaban sa katiwalaan o korapsyon, o paglilinis ng bakuran o pag-aaral ng mabuti. makakamit ang panlipunang pagbabago. dapat tayong lumabas kasama ng sambayanang pinagsasamantalahan at isulong at ipaglaban ang isang lipunang makatarungan para sa lahat. ang akomismo ay kapos sa pagtukoy ng talagang ugat ng problema at paano ang sama-sama nating magiging pagkilos upang solusyunan ito.

mas ayos pa ito marahil kong "TAYO MISMO". sama-sama tayo. koordinado. may direksyong iisa. para sa bayan. para sa pagbabagong mabuti para sa mamamayan. doon nakakatiyak tayo ng tagumpay para sa mithi nating pagbabagong panlipunan.

ang ako mismo na kampanyang ito ay dadagdag lang sa mga santambak na na parehong kampanyang inilunsad sa nakaraan na hindi rin nagtagumpay. sama-samang pagkilos pa din ang susi. "TAYO". at hindi "AKO". "MISMO"! ***


also posted in: dugo ang tinta ng digma

No comments: