mula kay Danilo Araña Arao
NAPAPANGITI ka na ngayon dahil patapos na ang klase. Kukuha ka na lang ng mga pinal na eksaminasyon at tatapusin ang iba pang kinakailangan para sa mga klase mo. Ngayon pa lang, baka may ideya ka na kung ano ang grado mo para sa semestreng ito.
Malaki ba ang tsansa mong magtapos sa kolehiyo nang may karangalan? Sana naman.
Binabati kita sa patuloy mong pagpupunyagi para matapos ang kursong kinukuha mo. Kakaunti lang sa ating kabataan ang may oportunidad na makatuntong sa kolehiyo, at magandang isiping hindi mo sinasayang ang mga pinaghirapan ng iyong magulang.
At may dahilan naman ang araw-araw mong "pakikibaka" sa loob ng klasrum: Malamang na inaasahan ka ng mga mahal mo sa buhay na bigyan sila ng magandang bukas. Ginagawa nila ang lahat para maging magaan ang iyong buhay sa kolehiyo. Hindi ka masyadong nag-aalala sa mga gastusin sa eskuwelahan, at handa silang magbigay ng anumang kailangan mo.
Para sa iyo, napakalaki nang pakikibaka ang pag-intindi sa mga paksang napakahirap matutuhan tulad ng pagsusulat at matematika. At dahil hindi opsiyon ang pagbagsak mo sa klase, sinusunod mong lahat ng sabihin sa iyo ng mga propesor, at minsan nga'y hindi mo na sinusuri kung natututo ka ba sa mga proyektong pinapagawa sa iyo at sa mga eksaminasyong kinukuha mo.
Ang iyong edukasyon ay napapako na lang sa simpleng pagmemorya ng mga konsepto't teorya, at hindi mo na isinasakonteksto ang mga ito sa sitwasyon ng ating lipunan.
Sa isang banda, bakit mo nga naman kailangang iugnay pa ang anumang natututuhan mo sa klasrum sa iyong mga nakikita sa labas nito? Hindi naman ito kailangan sa klase at siyempre'y hindi kasama sa pagkompyut sa inaasam mong mataas na grado. Limitado lang ang alam mo sa sitwasyon ng ating bayan. Mula sa eskuwelahan, deretso ka na sa bahay para muling magsunog ng kilay bilang paghahanda sa mga susunod pang klase.
Napapansin mong may ilan kang kaklaseng may ibang disposisyon sa buhay. Madalas na nakasuot sila ng pula at matiyaga silang mag-anyaya sa iyong sumama sa anumang kilos-protestang inoorganisa nila. Magalang kang tumatanggi sa kanila, at kung minsa'y ngang nagsasabi kang gustuhin mo mang sumama ay may iba ka pang mahalagang "lakad."
Pero aminin mo: Ayaw mo talagang sumama sa kanila, kahit panandalian lang, dahil iba ang iyong paniniwala. Gusto mong manatiling isang simpleng estudyanteng may perspektibang tapusin ang pag-aaral at magkaroon ng pang-akademikong karangalan. Hindi mo dapat talikuran ang iyong obligasyon sa pamilya dahil inaasahan ka nila.
Kumpara sa ibang estudyanteng ginugugol ang panahon sa pagbubulakbol, talaga namang may dahilan para ipagmalaki ka ng iyong mga mahal sa buhay.
Sa puntong ito, mainam lang na isipin mo kung ang iyong dahilan ba ay may kabuluhan. Kahit na hindi masamang itaguyod ang sariling kapakanan at pamilya, nararapat lang na isipin din at iugnay ang indibwal sa lipunan, ang personal sa pulitikal.
Ang pagbabago ng disposisyon ay hindi nangangahulugan ng pagtalikod sa mga pang-akademikong obligasyon bilang estudyante, bagama't malinaw na ito ay dagdag na responsibilidad para sa iyo. Pero kung alam mo ang kahalagahan ng iyong ginagawa, maniwala kang hindi magiging personal na bagahe ang anumang gagawin mo sa labas ng klasrum.
Kung susuriin mo lang ang nangyayari sa lipunan at isasakonteksto ang personal na ambisyon sa kapakanan ng bayan, malalaman mo kung bakit kailangang kumilos para sa pagbabago ang malawak na bilang ng kabataan.
Sa katunayan, inaasahan ito sa iyo dahil nabubuhay tayong lahat sa isang panahong kailangang kumilos ang lahat (kahit ang kabataang katulad mo) para makamit ang minimithing pagbabago sa lipunan. Kung nakatira ka sa kalunsuran, malamang na hindi mo agarang mapapansin ang mga manipestasyon ng tumitinding paghihirap ng nakararaming mamamayan at pangkabuuang kahirapan sa ating bayan.
Kilalanin mong mabuti ang mga kaklase mong may ibang disposisyon sa buhay. Ang talino nila'y ginagamit hindi lang sa pang-akademikong pag-aaral kundi sa pagsusuri ng nangyayari sa ating paligid.
Madalas mong marinig mula sa kanila ang argumentong hindi makikita sa apat na sulok ng klasrum ang edukasyong kinakailangan ng kabataan, dahil ang pagkamulat ay mangyayari lang sa labas nito. Hindi ito simpleng diskurso ng mga estudyanteng walang magawa sa buhay. Ito ang klase ng pag-aaral na ginagawa nila.
Naghihintay ang mahaba-habang bakasyon ngayong Oktubre bago ka bumalik sa eskuwelahan para sa ikalawang semestre. Mas makabuluhang "pakikibaka" ang naghihintay sa iyo kung magdesisyon kang palawakin at palalimin pa ang iyong pag-aaral.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
Tuesday, October 7, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment