Pasismo sa pamantasan at kataksilan ng Akbayan
SA NAKARAANG buwan, paparami at papatindi ang mga kaso ng panghaharas at paglabag sa mga karapatan ng mga mag-aaral sa kampus: mula sa mga di-makatarungang mga parusa na ipinapataw ng kanya-kanyang mga administrasyon, hanggang panghihimasok ng mga militar at direktang panghaharas sa mga aktibista sa loob ng kampus.
Kamakailan lang, lumabas sa balita ang pagdakip ng mga mag-aaral sa ilang ahente ng militar na kumukuha ng mga litrato at naniniktik sa mga mag-aaral sa PUP (Polytechnic University of the Philippines). Matapos ang insidente, tuluy-tuloy na lantarang nagsagawa ng mapanirang mga propaganda at harassment ang mga sundalo laban sa mga organisasyon ng mga mag-aaral, kabilang ang konseho ng mag-aaral at publikasyon.
Higit pang matindi ang kampanyang ala-batas militar (martial law) sa mga kampus sa mga rehiyon. Sa PUP-Lopez, Quezon, sinampahan ng gawa-gawang kasong rebelyon ang tatlong kasapi ng konseho ng mag-aaral, kasabay ng paninira at pananakot sa kanila at kanilang mga pamilya.
May iba't ibang antas ng paniniktik at panghaharas din na naiulat sa mga yunit ng Unibersidad ng Pilipinas at iba pang paaralan. Gayundin, ipinagmamalaki ng mga sundalo ang paglulunsad ng mga porum sa pampublikong mga hayskul na naninira sa progresibong mga organisasyon ng kabataan at nananakot sa mga mag-aaral.
Noong isang buwan, sa JRU (Jose Rizal University) naman, 19 na mag-aaral ang di-makatarungang sinuspinde, apat dito ang pinatalsik ng administrasyon dahil sa paninindigan nila sa mga katagang "pag-asa ng bayan" at paglulunsad ng kampanyang room-to-room laban sa Value-Added Tax.
Target ng panunupil ang kilusang masang nanguna sa mga walk-out at iba pang protesta ng kabataan at mamamayan laban sa korap at pahirap na rehimeng Arroyo. Takot ang rehimen sa higit pang paglawak at paglakas ng mga organisasyong nagtatanggol sa mga karapatan sa loob at labas ng kampus, lalo't inilalatag nito ang mga hakbang para makapanatili sa puwesto hanggang 2010 at lagpas pa.
Kasabay ng pagtindi ng pasistang mga kampanya sa paaralan, isang batas para sa "karapatan at kagalingan ng mga mag-aaral" ang isinusulong sa Kongreso. Sa una'y aakalaing progresibo pagkat ilalatag ang mga karapatan ng mga mag-aaral. Ngunit sa pagsusuri ng nilalaman, tatambad ang kataksilan ng panukala.
Inilalako ngayon ng Akbayan! Party-list -- isang partidong sa isang kampanya sa halalan ay idineklara ang sarili na "partido ng kabataan" -- ang Straw (Students Rights and Welfare) Bill of 2007 o HB 2584 ni Rep. Risa Hontiveros-Baraquel. Bersiyon nila ito ng nakaraang mga tangka na isabatas ang isang Magna Carta para sa mga mag-aaral. Sa lahat ng bersiyon, ito ang pinakamahaba at pinakadetalyado. Ito rin ang pinakamapinsala.
Inilantad ng iba't ibang organisasyon, sa pangunguna ng NUSP (National Union of Students of the Philippines), sa mga pulong sa loob ng Kongreso na ang mga panukala sa Straw Bill ay higit pang magpapamukhang lehitimo at magpapatigas ng panunupil sa mga pamantasan. Sa mga probisyon nito hinggil sa karapatan sa pag-oorganisa, kalayaan sa pagpapahayag, pagtatayo ng konseho at publikasyon, binibigyan pa nito ng puwang at lisensiya ang administrasyon ng mga paaralan para limitahan at kontrolin ang mga organisasyon, mga aktibidad at mga kalayaan ng mga mag-aaral.
Sa kongkreto, halimbawa, sa pag-apruba sa mga organisasyon sa loob ng paaralan at paglulunsad ng mga aktibidad, binibigyan nito ng masaklaw na kapangyarihan ang OSA (Office of the Student Affairs). Hinggil kalayaan sa pagpapahayag, nais ng probisyon na magkaroon ng isang lugar kung saan doon lang puwedeng magprotesta. Hinggil sa diyaryong pangkampus, pinaboran lang nito ang Campus Journalism Act o CJA, na ginagamit ngayon para ipitin ang pondo at paghigpitan ang mga publikasyong pang-kampus.
Nakakasuklam ang bahagi ng panukala hinggil sa pagtaas ng matrikula kung saan itinatakda na magkaroon ng "minimum na mga pamantayan (minimum standards)" ng konsultasyon sa bawat pagtataas. Sa aktuwal, bogus na konsultasyon gaya ng mga nagaganap sa kasalukuyan ang itinataguyod nito. Kung tutuusin, batay sa karanasan, dapat konsultasyon at pagsang-ayon (consultation and consent) ang isulong na patakaran.
Kataka-taka ring wala sa bersiyon ng Akbayan ang isang probisyong mayroon sa mga nauna, na tutol sa pagpasok ng militar sa mga pamantasan.
Siguro'y hindi nauunawaan ng mga sumulat ng panukala na bawat butas sa kanilang batas na puwedeng gamitin sa paniniil ay sasamantalahin ng administrasyon para kitlin ang karapatan ng mga mag-aaral – tulad ng ginawa sa CJA. Maaari ring wala talaga silang aktuwal na karanasan sa mga pakikibaka laban sa paniniil sa loob ng mga kampus at hindi naiintindihan ang mga implikasyon ng kanilang mga panukala. O, marahil, ito talaga ang kanilang pinipiling posisyon: ang pagbukambibig ng mga karapatan habang sa aktuwal ay pinapanigan ang mga puwersang sumisikil dito.
Para maakit noon ang mga kabataan na bumoto pabor sa kanila, ginamit ng Akbayan sa isa nilang poster ang mukha ni Che Guevara, isang tanyag na lider-rebolusyonaryo at icon ng mga progresibo. Pero ipinapakita ngayon ng kanilang praktika ang tunay na mukha ng kanilang pulitika: panig sa mga kleriko-pasista at taguyod ng tiraniya ni Gloria.
No comments:
Post a Comment